Tirintas ni Pinang Pintas

Sa baryo ng Mapuri, siyang matutuklasan,

Batang makulit at magaling sa pintasan,

Yabang niya’y sintaas ng buhok na tirintas,

Naku, mag-ingat kay Pinang Pintas!

 

 

Nangunguna si Pinang sa larangan ng pamimintas. Sa kaniyang murang edad, walang pinipiling tao si Pinang sa panlalait. Nariyan ang tawagin niya ng iba’t ibang pangalan ang bawat mapapansin niya: si Noel Ulo dahil sa malaking ulo nito, si Nina Mais dahil sa manilaw-nilaw nitong mga ngipin, si Iya Tigidig dahil tadtad ng tagihiyawat ang pagmumukha nito, si Andoy Pilantod dahil sa ika-ika nitong paglakad, at si Roy Kulot dahil sa buhaghag at kulot-kulot nitong buhok.

 

 

Maraming umiiwas kay Pinang. Ang ilan ay dahil sa ayaw na lamang mapagbuntungan ng panlalait nito; ngunit ang karamihan ay nanginginig sa takot sa talim ng pananalita niya.

 

 

“Noel ulo, Noel ulo, Noel ulo! Naglalakad na globo, laki ng ulo!”

“Ninang Mais, ngipin sindilaw ng mais!”

“Iya tigidig-tigidig-tigidig! Iya! Iya! Tagihiyawat na may mukha!”

“Andoy Pilantod, pipila-pilay! Kailangan na ng tungkod!”

“Kulooooot! Kulooooot! Kumukulubot ang buhok ni Roy Kulot!”

 

 

Maraming nadadala sa matalim na dila ni Pinang. Humahagikgik sa pagtawa ang mga nakapanunuod ng pamimintas niya; at kung minsan, kapag sila naman ang napagdiskitahan ng mapamintas na dila ng batang si Pinang ay siya naman nilang palahaw sa pag-iyak. Dahil dito, tinagurian na lamang siya bilang “Pinang Pintas” ng mga taga-Mapuri.

 

 

Sa halip na mainis ay lalong lumapad ang ngiti ni Pinang Pintas. Kay lapad ng awang ng kaniyang mga labi sa tuwing naririnig niya ang bulungan at huntahan ng mga kaniyang mga kabaryo.

 

Noon pa man, nakadaragdag sa pamimintas ni Pinang ang kaniyang tinirintas na buhok. Siya lamang kasi sa baryo ng Mapuri ang tirintas ang magkabilang panig ng ulo—na siya namang kinahahangaan—at kinaiinggitan ng iba.

 

 

Pinagmulan ng haka-haka ang hindi pagtatanggal ng tirintas ni Pinang Pintas. Bakit kaya? Bakit nga ba? May nakapagsabi na peluka lamang ang tirintas. May nakapagsabi namang tinatamad si Pinang na tirintasin ulit ang kaniyang buhok.

 

 

Umuusok at tumitirik ang buhok ni Pinang sa tuwing naiinis! Ayaw na ayaw niyang pinag-uusapan ang kaniyang tinirintas na buhok. Kaya naman, ang matalim na dila nito’y muling maglilitanya sa mga haka-haka sa kaniyang tirintas.

 

 

“Inggit, mga inggit! Puno kayo ng inggit sa aking tirintas!” giit ni Pinang Pintas.

 

 

Hindi nga nagkakamali ang mga taga-Baryo Mapuri. Sa pagkakaroon ng natatanging buhok nakakukuha ng talim si Pinang Pintas sa dilang mapamintas.

 

 

* * *

 

 

Isang araw, masayang nakikipaglaro ang mga bata ng Mapuri sa palaruan. May naglalaro ng piko, may nakisali sa taguan-pong, may ibang naupo’t naglaro ng pen pen de sarapen. Makikita sa ngiti ng mga bata ang galak sa pakikipaglaro. Takbo rito, takbo roon. Lundag dito, lundag doon. Kandirit dito, kandirit doon. Tila walang katapusan ang paglalaro!

 

 

Habang nakikipaglaro ang mga bata, biglang lumabas si Pinang Pintas. Ayan na, ayan na naman ang dilang mapamintas! Agad na natigil sa kanilang masayang ginagawa ang kumpulan ng mga bata. May ilang nagtago’t umuwi pa nga.

 

 

Luminga-linga sa palaruan si Pinang Pintas. Wala na, wala na namang bata na nasa paligid niya. Takot sila siguro sa akin, sabi na lamang niya sa kaniyang sarili.

 

 

Mag-isa na lamang si Pinang Pintas sa palaruan.

 

 

Wala siyang kasama. Walang ibig makipagkaibigan sa kaniya. Walang gustong makisalamuha sa batang mapamintas.

 

 

Sa kaniyang pagkakaupo, may isang batang sumulpot. May dala-dala pa itong asul na payong habang humuhini sa paglalakad. Mabilog ang makinis na mukha ng bata. Kitang-kita sa ngiti ang kaputian ng ngipin. Sadyang kay rikit ng batang paslit!

 

 

Agad na natigilan si Pinang Pintas. Wala siyang maisip na maaaring ipintas sa batang paparating. Nang bigla niyang maisip:

 

Tama! Kalait-lait ang kaniyang pagiging dayo, bulong niya sa sarili.

 

 

Bago pa man makalapit ang batang paslit kay Pinang ay agad nang nagsimula ang dila nitong mapamintas.

 

 

“Dayo, dayuhan! May batang ligaw na dumadayo!”

 

 

Sa halip na malungkot ang batang dayo ay hinayaan na lamang niya ang mga ito. Agad niyang sinara ang asul niyang payong at nagwika.

 

 

“Ako nga pala si Daya, mula sa baryo ng Kaybuti. Lumipat kami rito sa Mapuri. Sana’y maging kaibigan ko kayo.”

 

 

Natahimik ang lahat sa kanilang pag-awit. Napayuko ang ilang bata, namumula’t nahihiya sa kanilang inasal sa batang paslit.

 

 

Sa halip na humingi ng tawad katulad ng ibang bata si Pinang, agad itong nagpapadyak pabalik sa kanilang tahanan. May araw ka rin, Dayang Dayo. May araw ka rin!

 

 

* * *

 

 

Muling napuno ang mga bata ng Mapuri sa kanilang palaruan. Ngunit di tulad ng dati, kahalubilo na nila si Daya. Masayang kalaro si Daya, mabait at palakaibigan siya bagamat bago pa lamang siya sa baryo ng Mapuri. Hindi na kataka-kataka kung bakit maraming bata ang umiidolo na sa kaniya.

 

 

Sa kabilang dako naman ay ang galit na galit na si Pinang. Hindi na kasi siya pinapansin ng mga bata ngayon.

 

 

Hindi na napigilan ni Pinang Pintas ang inis. Agad-agad siyang nagmartsa papalapit kay Daya. Ni hindi na niya nagawang pansinin ang mga sanga sa kaniyang dinaraanan. Bago pa man makalapit si Pinang ay agad namang sumabit ang kaniyang mga laso sa mga sanga, hindi niya ito matanggal-tanggal kahit anong hila niya rito. Sa kahihila niya ay natanggal ang laso na tumitirintas sa kaniyang mga buhok.

 

 

Tumambad ang buhok na nawala sa pagkatirintas sa palaruan ng Mapili. Wala na ang katangi-tanging buhok sa Mapuri na nakatirintas. Lahat ng bata’y napatingin sa natanggal sa pagkakatirintas ang buhok ni Pinang Pintas. Bago pa man umimik ang ilan, agad na tinakpan ni Pinang ang kaniyang mga buhok at tumakbo na papalayo.

 

 

Sa baryo ng Mapuri, siyang matutuklasan,

Batang matalim ang dila’t sa pintasan,

Ngayong wala na ang buhok sa pagkatirintas

Ano na ang gagawin ni Pinang Pintas?

 

 

* * *

 

 

Nakakapanibago ang Baryo Mapuri. Wala nang maririnig na panlalait mula kay Pinang Pintas. Ikinatuwa naman ito ng mga bata ng Mapuri. Hindi na nila kailangang magtago sa tuwing maririnig ang pagyabag ng mga paa ng batang mapamintas. Patuloy ang saya sa paglalaro ng mga bata sa palaruan.

 

 

Napansin ni Daya ang nangyari. Ikinalungkot ito ng batang minsan na ring napintas ni Pinang. Hindi na muling nagpakita si Pinang Pintas matapos matanggal ang buhok sa pagkatirintas. Ano nga ba ang nangyari sa batang may mapamintas na dila?

 

 

Nagtanong-tanong si Daya sa kinatitirahan ni Pinang. Bagamat maraming nakaaalam kung saan nakatira si Pinang, walang may nais na samahan siya. Natatakot kasi ang ilang bata na sila ay muling pintasin ng batang nakatirintas. Kaya ang nangyari, iginuhit na lamang ni Daya ang daan papunta sa bahay ni Pinang bilang mapa niya.

 

 

Agad namang napuntahan ni Daya ang lugar. Payak lamang ang tirahan ni Pinang sa pinakahuling kanto ng Kalye Tiyak sa baryo ng Mapuri. May pulang pinto, dilaw na bintana, asul na pader, at berdeng bubong. Ang bintana sa kuwarto ni Pinang ay nakasaradong maiigi. Ni hindi maaaninag ang mukha ng batang mapamintas mula sa labas. Hindi na nag-atubili si Daya na kumatok.

 

 

Tok! Tok! Tok!

Walang sagot.

Tok! Tok! Tok!

Walang sagot.

 

 

Sa ikatlong katok ni Daya ay bumungad na sa kaniya si Pinang. Nakabalot sa pulang tela ang kaniyang buhok at yuyuko-yuko. Takot na makita ninoman.

 

 

“B-bakit ka napapunta rito?” tanong ni Pinang.

 

 

“Nag-aalala kasi ako,” panimula ni Daya. “Ilang araw na rin kasi mula nang hindi ka lumabas sa iyong silid,” dagdag pa nito.

 

 

Agad namang nagwika si Pinang.

 

 

“Natatakot na ako,” saad niya. “Baka pagtawanan ako ng mga taga-Mapuri dahil hindi na nakatirintas ang aking buhok.”

 

 

“Bakit di mo na lamang tirintasing muli?” suhestiyon ni Daya.

 

 

Lalong tumungo ang ulo ni Pinang. Pinagdikit niya ang dalawang darili at utal-utal na sinabi. “H-hindi a-ako m-ma-marunong.”

 

 

Hindi tulad ng inaasahan ni Pinang, agad na hinaplos ni Daya ang kaniyang mga buhok at muling tinirintasan. Ilang saglit lamang ay muling nanumbalik ang tirintas ni Pinang. Ikinatuwa naman ito ng bata kaya’t agad siyang nagpasalamat sa bagong kaibigan.

 

 

“Salamat Daya, napakabuti mo.”

 

 

“Gusto ko kasing makatulong sa iba, Pinang. At manatili akong mabuti sa kanila.”

 

 

* * *

 

 

Makalipas ng ilang linggo, muling nagbalik si Pinang sa palaruan. Kapansin-pansin ang pagbabago sa kaniya. Naging masiyahin na si Pinang at naging palakaibigan. Hindi na niya muling sinabihan ng iba’t ibang pangalan ang batang pinintas niya. Humingi si Pinang ng tawad sa lahat ng pinintas niya at agad naman siyang pinatawad ng mga ito.

 

 

Naging mabuting magkaibigan si Pinang at Daya. Lagi silang magkasama sa pakikipaglaro sa mga bata at iniwasan na ni Pinang ang panlalait. At ang tirintas na buhok ng batang mapamintas? Hindi na siya nagtitirintas ng buhok na siyang nagpayabang sa kaniya. Lagi na niyang inilulugay ang alon-along buhok. Hinangaan ni Pinang ang busilak na puso niya. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na ang iniidolong si Daya ang siya niyang tutularan—at tuluyan nang mawawala ang dilang mapamintas ng batang mapamintas.

 

 

Sa baryo ng Mapuri, siyang matutuklas

Si Pinang Pintas, ngayon ay kagila-gilalas

Tirintas at pintas ma’y di na pinamamalas

Mananatiling busilak—idolo niya hanggang wakas!

 

Kalahok sa Saranggola Blog Awards 2017, Kuwentong Pambata

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s