Fix ‘Yon, Fiksyon!

May Mga Taong Umaalma Na Ang Blog Site Na Ito Ay Nagbabahagi Ng FAKE NEWS; Pinapatunayan Na Hindi Iyon Totoo! | [100% REAL √√√] = [LEGIT √√√] = [NO HOAX √√√] <CLICK NOW>

ni Admin Mouh Kah

 

 

MANILA, PHILIPPINES—Kaliwa’t kanan ang pasaring ng ilang ‘netizens’ tungkol sa pagbabahagi ng blog site na ito ng mga fake news. Pinapatunayan ko ngayon na iyon ay hindi totoo. Ang mga ito’y pinapakalat lamang na akusasyon at ispekulasyon ng mga taong tumututol sa tamang pagbabahagi ng balita.

 

 

Blogger lamang ako, hindi isang journalist. Pero, nakapagbabahagi ako ng tamang balita hindi tulad ng mga nasa media. Ang mga taong nasa likod ng media ay ginagawa lamang ang paglalahad ng “balita” para sa kanilang pansariling interes. Madalas nilang pulaan ang bawat bagay na nakikita nila; dinudungisan ang mabuting ehemplo ng mga namumuno, nililinisan ang kanilang mga kasangga sa paghahatid ng mga pekeng balita. Maliban sa pagpanig nila sa kanilang pinaniniwalaan, wala na sila naibahagi na mabuti.

 

 

Naging biktima na rin ako ng fake news. Lalo na yung sinasabi nila sa EJK at pagsigaw ng ilang tao ng ‘human rights’ dahil sa panonokhang? Nakasasama ng loob. Hindi pa rin nila nababatid na ito ay isinasagawa upang sugpuin ang krimen. Kung may mga namamatay man na mga inosente, hindi iyon kasalanan ng ahensya at sangkapulisan. Kasalanan ito ng kapabayaan sa sarili. Nababatid naman ng lahat na ang paligid ay naging huntahan na ng panghuhuli, bakit lumalabas pa rin? Kapag may namamatay na adik, galit. Bakit hindi kayo magalit kapag may napapatay ang mga adik?

 

Pero, hindi ako nagbabahagi ng pekeng balita—nagbabahagi ako ng tamang balita. Balitang tama sa administrasyon. Balitang tama sa masa. Balitang totoo at walang kinikilingan.

 

 

Marami akong mambabasa. Madalas, ang mga mambabasa ko na rin pumuprotekta—este tumutuligsa sa mga pasaring ng ilang netizens. Marami rin sila kung gumawa nang social media accounts kaya dumudoble’t tumitriple pa ang sakop ng ‘online community’ ko. Kaya ang siste, dumarami ang nakababasa ng mga artikulong swak sa masa.

 

 

Hindi ba’t ito naman ang batayan ng pagiging totoo ng isang balita? Na kapag marami na ang mambabasa’t naniniwala, totoo at reliable na rin itong maituturing. Lalo na kapag nagiging ‘trending’ na ito sa Facebook! Naku, napakarami pa man ding Facebook account ang mga Pilipino sa loob at labas ng bansa. Hindi pa kasama rito ‘yong mga dummy account na—a, e, basta ‘yon. Maraming naniniwala sa akin kaya totoo ang mga ipinapahayag ko.

 

 

Ibinabalita ko ngayon sa lahat na ang blogsite na ito’y hindi kabilang sa tagapaghatid ng fake news. Hindi ko na para sundin pa ang ginagawang porma sa mga dyaryo, magasin, palabas sa telebisyon, at iba pa—dahil iyon ay para sa akademiko lamang. Hindi na kinakailangang maging pormal ang pagbabalita ko. Dahil ang pagbabalita ko nama’y pagpapasa ko lamang ng saloobin ko sa isang isyu. Tutal, gusto ko rin namang iparating ang nadarama ko sa aking mga mambabasa.

 

 

Hindi ko para gayahin ang mga taong nasa media. Para saan pa ba ang byline? Para saan pa ba ang headline? Para saan pa ba ang realiable photographs? Para saan pa ba ang maayos na lead? Para saan pa ba ang fact-checking? Para saan pa ba ang concrete detailing? Ang lahat ng iyo’y ginagawa lamang sa ngalan ng pormalidad. Mga balitang sumusunod sa tagubilin at porma nito. Paano na lamang ang mga balitang may layunin na makapaglibang at maghatid ang pansariling opinyon?

 

 

Heto ang balitang inihahatid ko sa inyo. Isang uri ng balitang isinisiwalat, kadikit ang pansariling opinyon at idelohiya. Heto ang balitang alam ko, na nalalaman na rin ng lahat. Taliwas man ito sa napapaskil sa mga tabloid, ang mahalaga’y may mga mambabasa ako.

 

 

Ayon sa Wikipedia (realiable source ito dahil online), ang fake news ay isang uri ng ‘yellow journalism’ (take note: Y-E-L-L-O-W) o propagandang binubuo ng sunod-sunod na maling impormasyon o ‘hoaxes’ na ipinapakalat sa pamamagitan ng paglilimbag o pagpapaskil sa social media. Mayroon ding tinatawag na fake news websites na nagpapaskil ng mga pekeng balita na sumasalungat sa tunay na balita. Hindi katulad ng mga satirikong balita, ang mga artikulo sa fake news websites ay kinokonsiderang totoo at mahalaga.

 

 

Hindi na kataka-taka kung bakit maraming websites ngayon na maituturing na ahente ng mga pekeng balita. Mabilis namang malaman kung ano ang totoo sa hindi, di ba?

 

 

Isa sa pinakamagandang halimbawa ng isang balita ay ang blog site ko. Maliban sa paglalagay ng makatawag pansin na pamagat (na binabansagan ng ilan bilang ‘clickbaits’), ang mga balitang inihahatid ko’y limitado lamang ang datos. Hindi na rin naman kasi kailangan ang mga ganoong detalye. Dagdag-ligoy lamang sa balita.

 

 

Mas mahalaga na nakapokus lamang ang mga balita sa dalawang oposisyon: pagpuri at paglait. Dalawa lamang ang mukha ng balitang inihahatid ko. Maaaring itutok ko ito sa tingin ng pagpupugay sa kabutihan ng isang tao o ahensya; at maaari ko ring itutok ito sa pagkundena sa kanila. Hindi na kailangang ilatag ang pagpapalitang-kuro sa isyu. Ang isyu ay dapat sa prominenteng tauhan ng balita lamang nakatingin.

 

 

Minsan, nilalagyan ko rin ng ilang istatistiko ang mga balita ko. Yung nadadampot ko lamang online. Bakit ko naman kailangang gawin pa ang field work, di ba? Kaya nga nabuo ang teknolohiya, e. Para tulungan ako sa isinusulat ko. Kesehodang hindi na ako matapatan ng sinag ng araw at matilamsikan ng tubig-ulan.

 

 

Sa paglalagay naman ng mga larawan, hindi ko na rin kinakailangan na sumalang sa mismong lugar upang kumuha ng larawan. Napakaraming public domain pictures na internet. Malawak naman ang pang-unawa nila sa kasalatan ko ng tumpak na larawan at ang paggamit na lamang ng simbolismo nito. Mas importante naman ang artikulo. Higit kaysa sa mga larawan.

 

 

Makatawag-pansin ang mga headline na ginagamit ko. Sinisiguro ko kasi na mapukaw ko ang mga interes ng mga mambabasa upang i-click at basahin nilang mabuti ang isinusulat ko. Kung mali mang maituturing ang mga headline na ginagamit ko, nakatitiyak akong mas mali ang balarila ng ilang nasa media. Lalo na yung naglalabas ng maling detalye sa pamagat pa lamang. Katulad na lamang ng pekeng balita na diumano’y pupugutan ng ulo pagkalabas. Hindi hamak na masama ito kaysa sa mga headline ko.

 

 

Pinatutunayan ko lamang sa makababasa ng blog site ko na ito’y hindi fake news. Laganap na ang mga content na maaaring magbahid sa inyo ng maling impormasyon. Maraming mga balat-kayo, nagtatago sa imahen ng magandang layunin ngunit may kasula-sulasok na gawain—na kung ilalagay sa balangkas sa social media ay tutumbas sa relasyon ng fake news websites at fake news writer-bloggers.

 

 

May ilang tinig na nakahimlay sa mga burak, na ang layon ay kutkutin ang kokote ng mga mambabasa hanggang sa matapik nito ang switch na magbubukas at magpapakita sa kanila ang kaibahan ng totoo at hindi. Ang mga mapanuring mata ay nababatid ang tunay at totoo. Ang paggamit ng obhektibo, rasyonal, at radikal na lente sa mga kritikal na usapin ang siyang magwawaksi sa dilim na hatid ng huwad na mga balita.

 

 

Ang lahat ng isiniwalat ko hinggil sa fake news ay—teka, ano nga ba yun?

 

 

I invit—I invad—I involv—I invoke my rights against self-discri…di…d­iscrimination? Ay, oo nga pala. Incrimination po. Pasensya na.

Kalahok sa Saranggola Blog Awards 2017, Ispesyal na Kategorya

 

 

One thought on “Fix ‘Yon, Fiksyon!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s